We wrote this together with my good friend, Airess Casimero for an oration contest in MSU-Iligan Institute of Technology. It won 3rd place because it was not corny enough. We would like to think of this as our Buwan ng Wika article this year. Read on.
Sa mundong lumiliit --- dapat angking TALINO ay magamit upang PAGKAKAISA ng sambayananan ay makamit!
Sa aking mga kagalang-galang na tagapakinig, may nais lamang akong itanong sa inyong lahat at sana'y wag niyong ikagagalit.
“What's on your mind?”
Huwag niyo akong titigan na para bang ako'y isang “status box.” Opo, ang tinutukoy ko ay ang palagi nating kinakaharap na tanong sa bawat araw at bawat sandali na tila ba'y naging bahagi na ng ating buhay ang pagsagot sa katanungang ito. Sa bawat pagbukas natin ng ating mga “facebook accounts” bumubulagta sa ating harapan ang simpleng tanong na ito. Simpleng tanong na nagpabago sa ating pamamalagi sa mundong ibabaw.
Facebook. Isa lamang ito sa mga “social networking sites” na popular ngayon. Sa pamamagitan nito, ang minsang nawala, nagkakaroon ng pagkakataong muling magkita; ang di magkakilala, nagiging magkaibigan. Ikanga nila, isa kang “alien” o lamang-lupa kung wala kang “facebook account.” Ganyan kalaki ang bahaging ginagampanan ng mga social networking sites sa ating buhay.
Ang pagsikat ng mga social networking sites gaya ng Facebook ay nagpapatunay na hindi lamang ang paglobo ng populasyon ang sanhi kung bakit lumiliit ang mundo. Sa pagdami ng mga tao, dumami rin ang mga makabagong paraan ng pakikipagtalastasan. “Share” dito, “share “doon. “Like” dito, “Like” doon. “Comment” dito, “comment” doon. At sino ba ang hindi nawiwili sa napakaraming kaibigan na pwedeng i-chat?
Sadya mang napakalawak ng daigdig, pero dahil sa sadyang maparaan ang tao, mas lalo pang lumiit ang mundo. Ang milya-milyang distansya ay abot-tanaw na!
Marahil masasabi nating napakagaling ng naka-imbento ng Facebook! Isa itong malaking tulong sa ating sambayanan.
Hindi ba't ganyan naman talaga tayong mga tao? Gamit ang angking katalinuhan, ang ating mga puso at kaluluwa ay hinugis ng bawa't pagnanasa upang malutas ang mga problema. Sadyang tayo ay walang kapagurang galugarin ang bawa’t posibilidad upang maabot ang pinakamataas na antas ng pamumuhay.
Bagong panahon, bagong pangangailangan!
Bagong lipunan, bagong pagnanasa!
Batid ang pagbabago sa ating mundong ginagalawan. Ngunit marahil naitatanong natin sa ating mga sarili, nagbago na rin ba ang ating mga pagpapahalaga? Dinala ba ng alon ng pagbabago ang mga katangian nating mga Pilipino?
Isa sa mga hindi ko malilimutang alaala bilang isang residente ng Iligan ay ang kalunos-lunos na sitwasyong sinapit nito sa pananalasa ng bagyong Sendong. Hindi ko na kailangang ipaalala pa sa inyo ang katakot-takot na mga idinulot ng bagyo. Subalit sa gitna ng pagdadalamhati ng lahat, nangyari ang di natin inakalang magagawa ng bawat isa. Tayo ay nagkaisa upang bumangon, upang magsimula muli. At di natin maikakailang malaki ang papel na ginampanan ng mga makabagong uri ng komunikasyon upang mas mapalaganap ang apoy ng ating nararamdaman.
One for Iligan, Help CDO, Tabang Luzon at marami pang iba. Hindi ko mabilang kung ilang tao sa Facebook ang nagpalaganap ng adhikaing ito, kung ilang tao ang nag-tweet upang makatulong, kung ilang tao ang nagpalaganap ng mga mensahe gamit ang kainlang mga telepono upang maipaabot lamang sa bawat isa ang iisang hangarin, iisang mithiin.
Oo nga't hindi na uso ang bayanihan. Saan ka pa makakakita ngayon ng mga taong magbubuhat ng isang bahay upang ilipat ito sa isang bagong lugar? Subalit ang katangiang ito'y nanatili at nagbagong-anyo sa paglipas ng panahon. Ang talino at galing ng tao na siyang nagdulot ng mga makabagong paraan ng komunikasyon gaya ng social networking sites ay naging daan upang magkaroon ng makabagong bayanihan. Ang mga tao, saan mang sulok ng mundo ay magkakaisa. Hindi hadlang ang mga milya, hindi hadlang ang wika o kultura sapagkat ang pagkakaunawaan ay nasa puso.
Gaya ng bayanihan noon, ang makabagong bayanihan ay nagbigay ligaya sa ating mga kababayan. Dahil sa tulong ng marami, nagkaroon muli ng mga bahay ang mga nasalanta at nabigyan ng pagkakataong makapagsimula muli. Higit sa lahat, naipakita natin na tayo bilang magkakakapatid ay nandiyan parin para sa isa't isa.
Ito ang itatak natin sa ating mga isipan: na ang mga makabagong uri ng pakikipagtalastasan ay ating gamitin sa mabuting paraan tungo sa pagkakaisa ng sambayanan. Sana'y matanto natin na ang mga bagay na ito ay may mas mataas na paggagamitan at iyon ay ang magbunga ng makabagong bayanihan.
Ngayon tatanungin ko kayo ulit.
“What's on your mind?”
At sa pagkakataong ito naway hindi lamang ang laman ng inyong isip ang inyong isagot kundi ang laman rin ng inyong puso.